(Index)
(Index)
Sa madilim na piitan, isang gusgusing lalaking ang nakagapos ang mga kamay't paa sa dingding. Duguan ang kanyang katawan, na kayhirap mabatid kung alin ang sugat o daloy ng dugo.
Sa labas ng selda ay nakatayo ang ilang magagandang dilag. Ang kanilang pinuno ay nakasuot ng belo na nakatakip sa kanyang buong mukha, ngunit batid pa rin kanyang marubdob na titig sa lalaki sa selda. Nakatuon siya sa kanyang hirap na paghinga, bawat paghinga ay mas mahaba kaysa sa huli, lalong humihina. Humigpit ang pagkakuyom ng kamay ng babae. "Pumasok ka. Kunin mo ang dugo niya." Kgulat-gulat na ang kanyang boses ay magaspang at garalgal, tulad ng isang siyamnapung taong gulang na babae.
"Pinuno..." nag-alinlangan ang isa sa mga binibining nasa likod niya. “Nakakuha na kami ng dugo ngayon. Ang susunod na pagkuha ay dapat maghintay hanggang tanghali bukas…”
Bago pa siya makatapos, nagkaroon ng matinding lagutok nang lumingon ang babaeng tinatawag na Pinuno at hinampas ang mukha ng binibining nagsalita.
"Hindi mo ba nakikitang patay na siya ngayong gabi?" Ang mga mata sa likod ng belo ay malamig na tumitig sa binibining bumagsak sa lupa. “Maghintay bukas ng tanghali? Nais mo bang masayang lahat ng paghihirap ko?"
Hindi nagtagal, nagsimulang humagulgol ang binibini, hinawakan ang kanyang mukha. Lalong lumakas ang iyak niya habang gumulong-gulong sa lupa sa matinding paghihirap. Nang tuluyang tumigil ang kanyang mga galaw, makikita ng lahat kung saan siya sinaktan ng Pinuno, kalahati ng kanyang mukha ay nabulok, nakakatakot tingnan ang nakalantad na buto sa ilalim ng duguang laman.
Nagpakawala pa siya ng dalawa pang paghihinagpis bago nalaglag ang kamay na nakatakip sa mukha niya. Nakahiga siya sa lupa, dilat ang mga mata, walang buhay.
"May iba pa bang may nais sabihin?"
Tikom ang mga bibig ng mga natitirang mga binibini. Tahimik silang naglinis ng kanilang mga kamay, binuksan ang pinto ng selda, at pumasok.
Binuksan ng isang babae ang isang gintong kahon na naglalaman ng puting uod na namimilipit sa loob. Ang isa pa ay nagpunas ng dugo malapit sa puso ng lalaki, habang ang ikatlo ay kumuha ng gintong kampit at gumawa ng maliit na hiwa sa dibdib ng bilanggo. Umagos ang sariwang dugo. Ang uod na nasa kahon ay agarang gumiik nang matindi na parang naakit sa dugo.
Inilapit ng binibini ang kahon sa dibdib ng lalaki. Ang uod ay agad na gumapang sa kanyang sugat at nagsimulang sipsipin nang masugid ng kanyang dugo, ang maputing katawan nito ay unti-unting nagiging pula ng dugo.
Nang sapat na ang pagbabago ng kulay nito, sinubukan ng binibini na ibalik ang uod sa kahon. Matapos ang ilang subok, biglang namutla ang mukha niya.
"Pinuno."
Sa labas ng selda, lumalim ang boses ng babae: “Ano iyon?”
“Ang… ang ulo ng uod ay gumapang sa sugat. Ayaw lumabas…”
Sa ilang hakbang lamang, daliang pumasok sa selda ang babaeng nakatalukbong. Sa maikling sandali bago siya makapasok, ang binibini ay sumigaw na ng paulit-ulit: “Pumasok na! Pumasok na ang uod!"
Nang makarating siya sa kanila, walang bakas ng uod sa dibdib ng lalaki.
Natahimik ang selda. Biglang napansin ng isang binibini sa gilid ang paggalaw sa kagiliran niya - bahagyang kumibot ang daliri ng lalaking nakagapos sa loob ng siyamnapu't siyam na araw. Habang siya ay nakatulala pa rin, may isa pang bumulalas: "Ang kanyang sugat..."
Ang kanyang sugat ay... unti-unting naghihilom...
Pinagmasdan ng Pinuno ang lalaki, inabot niya ang kanyang kamay patungo sa dibdib ng lalaki, pagkatapos ay nagpakawala ng pigil na tawa: "Tagumpay! Sa wakas ay nagtagumpay na ang aking sisidlang tao!”
Habang tumatawa siya, biglang naikuyom ng lalaki ang kanyang kamao. Sa dalawang dumadagundong na kalabog, ang mga bakal na nakagapos sa kanyang mga pulso ay nabasag, puwersang kay lakas na bumaon ang mga sirang tanikala sa dingding sa likuran niya.
Namulat ang mga mata ng lalaki, pula ng dugo na parang sa isang mabangis na hayop. Sa kabila ng kanyang pinong pagmumukha, ang kanyang anyo ay lubhang nakakabagabag.
Tumawa nang malakas ang babae: “Mabuting bata, mabuti! Ngayon, ikaw ang naging bantay-yaman ng aking Sektang Lingchang! Kasama ka, ang pagbabalik ko sa Katimugang Hibaybay ay abot-kamay na!" Bago pa niya matapos ang pagsasalita, kumilos ang kamay ng lalaki at sinunggab ang kanyang lalamunan.
Humigpit ang pagkakahawak niya, at agad na naging kulay ube ang mukha ng babae.
"Bitaw... bata... bitawan mo... ako ang iyong amo."
Hindi pinansin ng lalaki ang sinabi niya. Sa pag-indayog ng kanyang braso, inihagis niya ito sa dingding na parang manikang basahan, na lumikha ng malaking bunganga sa pagkakahampas.
Nagpakawala siya ng isang dagundong tulad ng isang hayop na umuungol sa gabi, at sa isang iglap, ang piitan ay natalsikan ng dugo.
Lumipas ang ilang oras, at nang malapit na ang bukang-liwayway, patisod siyang lumabas ng piitan at malungkot na naglakad sa kagubatan. Pagtingin niya sa kalayuan, tanaw niya ang mga tiwangwang na tore ng hangganang lungsod ng Dakilang Dinastiya ng Jin.
Marahas na hingal ang kanyang hininga na sa lamig ng gabi ay agarang naging mala-puting ulap na nabubuwag sa kanyang pagdaan.
Sumusuray-suray pasulong, bulag siyang naglakad. Bithay ng mga lantang sanga ang liwanag ng humihinang buwan na nagbibigay tanglaw sa kanyang duguang katawan. Sa kanyang hubad na dibdib, isang matingkad na pulang marka na parang apoy ang umakyat pataas, na umaabot sa kanyang leeg, at pisngi, at sa wakas ay huminto sa sulok ng kanyang kaliwang mata.
Sa kanyang puso, may matinding kirot na tila pinupunit ang kanyang kaluluwa.
Kuyom and kanyang panga, batid sa mukha ang sakit.
Paglabas sa kagubatan kung saan wala nang mga punong susuporta sa kanya, ang kanyang paa ay nadulas, at siya ay gumulong pababa sa dalisdis.
Ang bukang-liwayway sa hangganan ay napakalamig. Sa kaparangan, nakahiga siyang mag-isa na nakapikit, namumuo ang hamog na nagyelo sa patay na damo. Pakiramdam niya ay nagsimulang manginig ang kanyang mga kalamnan, unti-unti, unti-unti, nakararanas ng sakit na parang dinudurog ang kanyang mga buto.
Ang kanyang katawan ay parang pinipitpit ng mga bato, kumakaluslos ang kanyang mga buto. Ang kanyang matangkad na katawan ay dahan-dahang lumiit hanggang sa... tuluyan na siyang nagpalit-anyo bilang isang bata.
Sumikat mula sa malayong kabundukan ang liwanag ng umaga, na bumabagsak sa pahilis sa mapanglaw na hilagang hangganan.
Mula sa kalayuan, biglang may tunog ng papalapit na mga kabayo, ang mga paa na tumatama sa lupa at dala ang amoy na bakal at dugo, mabilis na dumarating. Pinikit niya ang kanyang mga mata, hindi sa pagkukunwari, kundi dahil talagang kulang siya sa lakas para buksan iyon.
"Heneral..." isang magaspang na boses ng lalaki ang tumawag, "Tingnan mo, parang may bata doon."
Marahang lumapit ang yabag ng kabayo at huminto sa tabi niya. May bumababa, at hinihimok ng kalikasan, nais niyang matukoy kung ang bagong dating ay isang banta. Inipon niya ang lahat ng kanyang lakas upang imulat ang kanyang mga mata, nakita niya sa sinag ang anyo ng isang babaeng nakasuot ng mahigpit na baluting kulay pula at pilak.
Isang babae... heneral?
Pagkatapos nitong isang sulyap ay wala na siyang lakas at muling pumikit.
Sa likod ng babae ay may dalawang lalaking nakasuot ng bakal. Si Bise-Komandanteng Luo Teng, nang makita ang bata, ay nagulat: "Aba! Ang batang ito ay puno ng dugo! Nakakatakot talaga!”
Ang isa pang bise-komandante, si Qin Lan, ay nanatiling mas kalmado: "Heneral, ang batang ito ay may marka sa kanyang dibdib."
"Isang guhit ng apoy, medyo maganda ang pagkakagawa." Kasabay ng hindi gaanong mapagaw na boses ng babae ay ang malamig na mga daliring marahang dumampi sa marka sa kanyang dibdib.
Ang bakas ng hipo ng kanyang daliri ay nagdulot ito ng panginginig. Sa kanyang dibdib, tila isang natutulog na hayop ang nagising sa kanyang paghipo, namimilipit sa kanyang puso. Bigla siyang nakaramdam ng matinding init sa buong katawan, nanunuyo ang bibig. Nagsimulang makatutop ang kanyang ilong ng ibang amoy sa hangin.
Ang amoy ng dugo.
Nagmumula sa loob ng tatlong taong ito, umaagos mula sa kanilang mga puso, umiikot sa kanilang mga katawan, pinapanatili silang buhay.
Ang kanyang pang-amoy ay lalong tumindi, at ang dugo ay mayroong hindi maipaliwanag na pang-akit para sa kanya.
Lalo na ang dugo ng babaeng ito, na may hindi maipaliwanag na halimuyak...
Hindi na mapakali ang kanyang katawan, ngunit nanatiling walang kamalay-malay ang tatlo sa kanyang harapan.
"Medyo kalugud-lugod ang bata," tinapik ng babaeng heneral ang kanyang mukha. "Isama natin siya."
"Heneral..." nagbitiw na sabi ni Qin Lan, "Di batid ang pinanggalingan ng batang ito..."
Tila mas maluwag si Luo Teng: “Narinig ko na ang Kanluraning Xiong ay may mga kaugalian ng pag-aalay ng tao. Ang panahon sa hangganan ay partikular na malamig at tuyo ngayong taon. Marahil ang batang ito ang kanilang alay para sa pagdarasal upang makaligtas sa taglamig?”
"Paano napadpad ang isang alay dito, na punit-punit ang damit at balot sa dugo..."
Nang marinig ang salitang ‘dugo,’ tumindi ang kanyang guluhang kaisipan, gumalaw ang kanyang lalamunan, ang kanyang bibig ay sing tuyo ng apoy.
“Tila siya'y nauuhaw. Magdala ka muna ng tubig,” tawag ng babaeng heneral. Pagkatapos ay dumating ang tunog ng pagtanggal ng takip sa inuman. Ngunit sa halip na magbuhos ng tubig sa kanyang bibig gaya ng iminungkahi, maingat na binasa ng heneral ang kanyang daliri at marahang binasa ang mga labi ng bata gamit nito.
Walang lasa ang tubig, ngunit mula sa dulo ng kanyang daliri, misteryosong nakakuha ito ng nakamamatay na halimuyak.
Lakip nito ang kanyang bango at ang amoy ng dugo.
Nang mawala ang unang dampi ng daliri nito sa labi niya, mistula siyang gutom na lobo na ninakawan ng karne, halos hindi na mapigil ang mabagsik na damdamin sa kanyang puso. Kaya't nang muling dumampi ang daliri nito sa kanyang labi, hindi niya sinasadyang ibuka ang kanyang bibig at marahas na kinagat ang daliri nito.
Nasugat ang hintuturo nito, bumaon ang mga ngipin niya sa laman nito, puno ng lasa ng dugo ang bibig niya.
Napangiwi ang babaeng heneral sa sakit, huminga ng malalim, na likas na sinusubukang hilain ang daliri. Ngunit hindi siya bumitaw, hayok ang paggalaw ng kanyang lalamunan habang pilit lamunin ang dugong tumutulo mula sa dulo ng daliri.
Tigib ng lasa ng dugo ang kanyang bibig, nag-init sa kanyang sikmura na tila may nagningas ng apoy na nagliliyab patungo sa kanyang puso, nag-aapoy sa sobrang init na dulot ay sakit sa kanyang puso at nagpatulin na pagtibok nito.
“Heneral!” Sumugod ang dalawang lalaki nang makita ang pangyayari. Sinubukan ng isa na ibuka ang kanyang bibig, ngunit tumanggi siyang bumitaw.
Ang isa pa ay nagmura nang malakas: "Ungas kang walang utang na loob! Bibiyakin ko ang panga mo! Qin Lan, bitawan mo, hayaan mo ako'ng gumawa!" Sinunggab ng kanyang magaspang na kamay ang panga ng bata, ngunit ang babae ay malakas na nagsambit: "Luo Teng!"
Tumigil ang paggalaw ni Luo Teng sa kanyang utos, ngunit hindi niya binitawan ang kanyang pagkakahawak, sa halip ay galit na sinabi: "Heneral! Kinagat ka ng maliit na hayop na ito!"
"Hindi ko ba tanto na kinagat niya ako?" suway nito sa kanya, itinulak palayo ang kamay nito na may pagkasuklam. Kung ikukumpara sa lalaki, ang mga daliri nito ay higit na balingkinitan, ngunit sa pagdiin pa lang ng dalawang daliri sa kasukasuan ng panga ng bata, naramdaman nitong namanhid ang kanyang mga pisngi, nawalan ng lakas ang kanyang panga sa pagkagat.
"Kung hahayaan kitang hawakan ito, dudurugin mo ang kanyang bungo," panunumbat niya, matapos ay binawi ang daliri.
Ngunit ang dugong dumanak ay sumanib na sa katawan ng bata.
Bagama't bahagya lamang ang dami ng dugong ito na hindi sapat upang masiyahan siya, ang kaguluhan sa kanyang saloobin ay tila napatahimik ng kahit katiting dugo nito.
"Heneral," may pag-aalalang nagsabita ang lalaking tinatawag na Qin Lan, "ang iyong kamay..."
"Lakas ng bata, galos lamang ito," Bagama't kinagat siya nito, hindi siya binitawan ang bata, sa halip ay binuhat ito. "Tara, balik na tayo sa kampo."
Sabik na sumigaw si Luo Teng: "Heneral, isasama mo itong maliit na lobo sa atin?"
Inilagay siya ni Li Shuang sa kanyang kabayo: "Bata pa lang siya." Sumakay siya sa likuran nito, hawak ang walang malay at tila walang lakas na anyo nito sa kanyang mga bisig, nagsasalita nang kaswal, "Hindi ba ako rin ay mistulang ligaw na lobo nang matagpuan ako ni Ama at inampon?"
Sa mga salitang ito, walang nagtaas ng karagdagang pagtutol.
(Index)
